Wala pa sa merkado ang imported na NFA rice na inangkat ng Pilipinas sa bansang Vietnam at Thailand.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, nasa barko pa ngayon ang mga imported na bigas at nakadaung pa sa Subic Port.
Paliwanag ni Roque, hindi pa naibababa ang 250,000 metric tons na bigas dahil sa naranasang pag-ulan ng ilang araw.
Gayunman, bagaman hindi pa bumabagsak sa merkado, nakaapekto na agad ang imported rice sa presyo ng commercial rice.
Base aniya sa pinakahuling monitoring ng Department of Agriculture, nasa P36 pesos na lamang ang presyo ng commercial rice mula sa dating presyo na P38 pesos kada kilo.
Kapag naidiskarga na sa mga barko ang mga inangkat na bigas ay ibebenta ito sa halagang P27 at P32 kada kilo depende sa klase.
Kapag gumanda na aniya ang lagay ng panahon, ididiskarga na ang bigas mula sa Subic at inaasahang darating sa mga pamilihan sa Metro Manila sa araw ng Miyerkules.
Sa ngayon tanging sa Mindanao at Bicol region pa lamang ang may suplay ng murang NFA rice.