Posibleng abutin pa ng tatlong araw at patuloy na tataas ang pagbahang nararanasan sa mga lalawigan sa Central Luzon dahil sa bagyong Lando.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Philippine Red Cross Chairman Richard Gordon, batay sa pagtaya ng Pampanga River Basin Flood Forecasting and Warning Center, pababa pa lamang ang tubig ulan sa bundok na babagsak sa mga ilog sa Pampanga.
“Ang sitwasyon ngayon pababa ang tubig mula sa kabundukan, galing sa Gabaldon, galing sa Sierra Madre, according to Pampanga River Basin, lalalim ang tubig for the next three days, flooding will increase. You always plan for the worst, you prepare for it, hope for the best,” ayon kay Gordon.
Partikular na apektado ng pagbaha dahil sa pagtaas ng tubig sa mga ilog ng Pampanga ay ang mga bayan sa Nueva Ecija at sa Bulacan.
Patuloy ang rescue operations ngayon ng mga tauhan ng Philippine Red Cross sa mga apektadong lugar sa Nueva Ecija, Bulacan at Pampanga.
Sa Flood Bulletin na inilabas ng Pampanga River Basin, ang mga lugar na patuloy na nakararanas at inaasahang mananatili ang pagbaha ay mga sumusunod na bayan:
Nueva Ecija:
Gen. Natividad
Palayan City
Laur (Brgys Sapan, Buho, Palayan)
Cabanatuan City
Sta. Rosa
San Leonardo
General Tinio
Peñaranda
San Leonardo
Gapan
Jaen
San Isidro
Cabiao
San Antonio
Pampanga:
San Luis
San Simon
Apalit
Bulacan:
Apalit
Calumpit
Hagonoy
Inaasahan namang parating (Flooding to occur) na ang pagbaha sa mga sumusunod na lugar:
Pampanga:
Candaba
Bulacan:
San Miguel
San Ildefonso
Samantala, ‘threatening’ naman pagbaha sa mga sumusunod na lugar ayon sa Pampanga River Basin advisory:
Pampanga:
Apalit
Calumpit
Macabebe
Masantol
Hagonoy
Ayon sa abiso, ang mga residente malapit sa mga bundok ay pinapayuhang maging alerto pa rin dahil sa posibleng flashfloods at landslides.