Ayon sa PAGASA, huling namataan ang bagyo sa bahagi ng Santiago Ilocos Sur, taglay ang lakas ng hanging aabot sa 120 kilometers kada oras at pagbugsong aabot sa 150 kilometers kada oras.
Kumikilos ito sa direksyong North Northeast sa 5 kilometers lamang kada oras.
Dahil sa mabagal na kilos ng bagyo, bukas ng hapon o gabi pa ito inaasahang lalabas ng Philippine Landmass at sa Biyernes pa inaasahang lalabas ng Philippine Area of Responsibility.
Nakataas pa rin ang Public Storm Warning Signal number 2 sa mga lalawigan ng Benguet, Cagayan kabilang na ang Calayan at Babuyan Group of Islands, Ilocos Sur, Pangasinan, La Union, Ilocos Norte, Ifugao, Mountain Province, Kalinga, Nueva Vizcaya, Apayao at Abra.
Habang signal number 1 naman sa Zambales, Tarlac, Pampanga, Bulacan, Nueva Ecija, Quirino, Aurora, Isabela, Batanes at Metro Manila.
Ayon sa PAGASA, ang Northern at Central Luzon ay patuloy na makararanas ng malakas na buhos ng ulan ngayong maghapon.