Patay ang isang miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) sa isinagawang pursuit operation ng Joint Task Force Sulu sa Patikul, Sulu.
Ayon kay Joint Task Force Sulu Commander Brig. Gen. Divino Rey Pabayo, sumiklab ang engkwentro sa pagitan ng 32nd Infantry Battalion sa pamumuno ni Lt. Col. Ronaldo Mateo laban sa 40 miyembro ng ASG sa pinamunuan naman ng isang Hajaan Sawadjaan.
Nagsimula ito sa Sitio Sailih ng Barangay Panglayahan dakong 6:20, Sabado ng gabi.
Wala namang nasugatan sa hanay ng tropa ng gobyerno sa 35 minutong bakbakan.
Narekober sa mga bandido ang ilang improvised explosive device at personal na kagamitan.
Ayon kay Western Mindanao Commander Lt. Gen. Arnel Dela Vega, layon ng pinaigting na security operation na mapatili ang mapayapang pamumuhay ng mga residente at pangalagaan ang nagpapatuloy na flagship projects sa lugar.
Nagpasalamat naman si Pabayo sa kooperasyon ng publiko oras na mapag-alaman ang lokasyon ng mga rebeldeng grupo.