Suportado ng Department of the Interior and Local Government ang panukala ni Pangulong Rodrigo Duterte na armasan ang mga punong barangay bilang proteksyon sa kanilang sarili laban sa mga masasamang loob.
Ayon kay DILG OIC-Secretary Eduardo Año, tama lang ang pag-aarmas sa mga punong barangay dahil mataas ang kanilang exposures sa mga kriminal at mga sindikato.Dagdag pa ng Kalihim, sa pamamagitan ng hakbang na ito maaring maitalaga bilang CAFGU o Special Civilian Armed Forces ang mga baranggay officials at mas makatutulong sa law enforcement.
Samantala, sinabi naman ni DILG Assistant Secretary at Spokesperson Jonathan Malaya na pinag aaralan na nila ang mekanismo ng polisiya upaang tama itong maipatupad.
Dagdag pa ni Malaya, nakasaad naman sa Section 387 ng Local Government Code na pinapayagan ang pag-iisyu ng baril sa mga opisyal ng barangay kaya regulasyon na lang ang kailangan.
Noong nakaraang Martes, sa malawakang panunumpa sa tungkulin ng mga punong barangay sa Gitnang Luzon ay ipinahayag ni Pangulong Duterte na pinag-iisipan niyang bigyang pahintulot ang pagbibigay ng baril sa mga punong barangay bilang proteksyon sa malawakang paglaban sa iligal na droga at kriminalidad.