Hilagang Luzon, nababad sa ulan kahapon, libu-libong pamilya inilikas

Brgy. Ipil. Higway Baler to Casiguran | Image courtesy of Team 48 Response
Brgy. Ipil. Higway Baler to Casiguran | Image courtesy of Team 48 Response

Nababad sa ulan ang mga probinsya sa hilagang Luzon dahil sa bagyong Lando kahapon.

Nagbunsod ito ng flashfloods, pagguho ng mga lupa, at pagbagsak ng mga puno at poste ng kuryente na nagdulot ng matinding aberya sa mga residente at mga parating na tulong.

Hindi bababa sa 4,000 na pamilya o nasa 16,000 na indibidwal ang naitalang inilikas sa Isabela mula sa 11 munisipalidad at dalawang lungsod, habang umabot naman sa 3,003 pamilya o 10,167 katao ang inilikas sa Aurora.

Mayroon ring mga naitalang paglilikas sa mga residente sa ilang bahagi ng Nueva Ecija, Ilocos Sur, Pangasinan, Zambales, Bulacan, Benguet at Kalinga.

Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), 24 na kalsada sa Luzon ang hindi na madaanan dahil sa baha, pagguho ng lupa at mga nagbagsakang mga puno, kabilang na sa mga ito ay ang Baler-Casiguruan road at Dinadiawan-Madella road sa Aurora.

Sa isang panayam kay Nueva Ecija Gov. Aurelio Umali, dalawang tao ang umano’y nalunod sa Brgy. Sapang Buho sa Palayan City.

Anim naman ang naitalang nawawala: tatlo sa Bataan, dalawa sa Camarines Sur at isa sa Abra.

Ayon naman kay Aurora Gov. Gerardo Noveras, ang pagragasa ng baha sa bayan ng San Luis ay dahil sa tubig galing sa mga bundok, at dahil dito, kinailangan pa nilang magsagawa ng rescue operations.

Dahil naman sa malakas na agos ng tubig sa Bungo River sa Brgy. Dibaraybay, na-isolate ang Dinalungan sa Aurora.

Samantala sa Bulacan, binaha rin ang mga barangay ng Salambao at Paliwas sa Obando, at Lolomboy at Wakas sa Bocaue, dahilan para ilikas ang may 108 na pamilya.

Sa Zambales naman, may mga inilikas rin mula sa tatlong barangay sa bayan ng Sta. Cruz, habang nawalan naman ng kuryente ang Subic, Botolan, Castillejos, San Marcelino at Masinloc.

Tinataya namang nasa 1,845 katao ang inilikas sa Pangasinan dahil sa storm surges na sinabayan ng high tide.

Read more...