379 pamilya sa Marikina at 116 pamilya sa Brgy. Bagong Silang, QC, lumikas

brgy bagong silang evacueesHindi bababa sa 379 na pamilya o 1,658 na indibidwal ang mga lumikas na residente ng Marikina City simula kagabi.

Limang lugar ang nagsilbing evacuation centers para sa mga residente, 2 pamilya ang nasa Upper Balite, 70 ang nasa Nangka Elementary School, 87 pamilya ang nanunuluyan naman ngayon sa Bulelak gym, 24 sa Malanday Elementary School at sa H. Bautista Elementary School naman ay may 196 na pamilya.

Wala namang naitalang pag-baha sa lugar, ngunit bilang paghahanda na rin ay kusa nang nagdesisyon ang mga residente na ilikas na ang kanilang mga sarili mula nang tumunog ang sirena sa Marikina river na hudyat na tumaas na sa alert level 1 ang tubig.

Pero bandang 12:30 ng hatinggabi ay bumaba naman na ang lebel ng tubig sa ilog sa 14.7 metro kaya inialis na rin ang alert level 1.

Ang kusang pag-likas ng mga residente ay dahil na rin sa kanilang pagkadala sa nangyari noong Ondoy kung saan maraming buhay ang nasawi at mga ari-arian ang napinsala dahil sa matinding pagbaha.

Sa pagdating ng mga pamilya doon, may ilang mga bata ang may lagnat at sipon kaya’t binigyan na ang mga ito ng gamot.

Samantala, may 116 na pamilya namang ang inilikas sa isang covered court sa Barangay Bagong Silang sa Quezon City.

Read more...