P6.8 Million na halaga ng shabu nasabat ng PDEA sa Maguindanao

Nagbunga ang ilang linggong surveillance ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) makaraan nilang madakip ang apat na notorious na drug personalities sa Maguindanao.

Sa ulat na nakarating sa headquarters ng PDEA, kinilala ang mga nadakip na high value target na sina Salama Diwa, Saiden Adil Yusa, Naser Pasawilan at Mahmod Dimudtang.

Sinabi ni PDEA-ARMM Dir. Juvinal Azurin na nahuli ang mga suspek sa ikinasan nilang operasyon sa Brgy. Pagatin, Datu Salibo sa Maguindanao.

Kinailangan pang humingi ng tulong ng PDEA sa (0th Infantry Batallion ng Philippine Army para lamang mapasok ang kuta ng mga suspek.

Ayon kay Azurin, nagpanggap na bibili ng shabu ang isa sa kanyang mga tauhan at nang magpositibo ang bentahan ay kaagad nilang hinuli ang nasabing mga tulak ng illegal drugs.

Nakakuha ang PDEA ang mahigit sa isang kilo ng high-grade shabu sa sasakyan ng mga suspek kung saan ay umaabot sa P6.8 Million ang halaga nito.

Kasalukuyang isinasailalim sa interogasyon ang mga nahuling suspek samantalang nangako naman ang PDEA na mas lalo pa nilang pag-iigtingin ang anti-drug operation sa ARMM.

Read more...