Shallow LPA namataan sa labas ng bansa

Patuloy na lumalayo sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ang Bagyong Ester na sa ngayon ay may international name ng “Gaemi”.

Batay sa 5am advisory ng PAGASA namataan ang Tropical Depression sa layong 635 kilometers Hilaga Hilagang-Silangan ng Basco, Batanes.

Wala nang direktang epekto ang bagyo sa kahit anong bahagi ng bansa ngunit patuloy nitong hahatakin ang hanging habagat na magdadala ng pag-ulan.

Gayunman, isang shallow Low Pressure Area ang namataan sa Timog na bahagi ng China na inaasahang magiging ganap na LPA sa mga susunod na araw.

Patuloy nitong hahatakin at palalakasin ang habagat ngunit malaki ang posibilidad na hindi ito papasok sa PAR.

May posibilidad itong maging ganap na bagyo ayon sa weather bureau.

Patuloy na uulanin ang Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, Zambales, Pampanga, Tarlac, Bataan, Batanes at Babuyan group of Islands dulot ng habagat.

Nakataas ang gale warning sa mga karagatan ng Batanes, Calayan, Babuyan, Cagayan, Ilocos provinces, Isabela, La Union, Pangasinan, Zambales, Bataan at Isabela.

Dahil dito pinag-iingat ang mga manlalayag sa matataas na alon.

Read more...