Gagawin ang oral argument sa Martes, June 19 kung saan tatalakayin ang petisyon na inihain ni Atty. Jesus Nicardo Falcis III na nagpakilalang “open and self-identified homosexual.”
Sa kaniyang petisyon hiniling ni Falcis sa Korte Suprema na ideklarang unconstitutional ang articles 1 at 2 ng Executive Order (EO) No. 209, o ang Family Code of the Philippines, kung saan nililimitahan ang kasal sa pagitan lamang sa babae at lalaki.
Respondent sa nasabing petisyon ang Civil Registrar General habang naghain naman ng intervention bilang petitioners ang LGBTS Christian Church Inc, at ang mga indbidwal na sina Reverend Crescencio “Ceejay” Agbayani Jr., Marlon Felipe at Maria Arlyn “Sugar” Ibanez. Isa pang abogado na si Fernando Perito ang naghain din ng mosyon bilang intervenor.
Sa abiso ng Mataas na Hukuman, bawat partido ay mayroong 20-minuto para ibigay ang kani-kanilang argumento sa isyu.
Matapos ang presentasyon ng bawat isa, ang mga mahistrado ay maaring magtanong.
Inilatag din ng Korte Suprema ang mga isyu na sesentruhan ng argumento ng mga partidong sangkot sa usapin.