Ang pahayag ng Palasyo ay kasunod ng utos ni Presidente Duterte sa mga pulis na huwag lamang ang mga kriminal ang habulin, kundi pati ang mga tambay na maaaring magdala ng gulo sa publiko.
Depensa ni Presidential Spokesman Harry Roque, isang uri ng “crime prevention” ang direktiba ng pangulo.
Paliwanag ni Roque na batid ng presidente, na isang abogado, na kung walang krimen o paglabag sa batas na nagawa ang isang tao ay walang basehan upang siya ay arestuhin.
Ani Roque, maaaring ang gusto lamang ni Pangulong Duterte ay umuwi na lamang sa kani-kanilang bahay ang mga tambay kaysa sa panay gala sa lansangan, at nais din ng mga mamamayan na ligtas at tahimik ang kanilang komunidad.
Dagdag nito, hangad ng punong ehekutibo ang mas mahigpit na implementasyon ng mga city ordinance, upang matiyak ang kaligtasan laban sa mga kriminal at iba pang masasamang elemento.
Payo ni Roque sa mga tambay, sundin na lamang ang apela ng pamahalaan na iwasan nang magpagabi sa kalsada upang mapigilan ang anumang problema sa peace and order o kapahamakan.