Nagpahayag ng pagkadismaya si National Democratic Front of the Philippines (NDFP) Chief Political Consultant Prof. Jose Maria Sison matapos ang pagpapaliban sa nakatakda sanang pagpapatuloy ng peace talks sa pagitan ng Government of the Republic of the Philippines (GRP) at NDFP sa June 28.
Iginiit ni Sison na hindi niya alam ang hakbang ng gobyerno na ikansela ang usaping pangkapayapaan bago pa ito ianunsyo ni Presidential Adviser on the Peace Process Jesus Dureza.
Sinabi pa ni Sison na hindi lamang siya dismayado kundi napupuyos din sa galit dahil hindi tumupad ang gobyerno sa mga kasunduan na nilagdaan sa mga naganap na backchannel talks sa The Netherlands noong June 9 at 10.
Dahil dito, hinimok niya ang negotiating panels na ilabas sa publiko at sa media ang mga kasunduang nilagdaan ng GRP at NDFP.
Ayon kay Sison, dahil sa hindi pagiging seryoso ng gobyerno sa peace negotiations ay wala umanong magagawa ang revolutionary forces na magsimula ng giyera upang matamo ang pambansa at panlipunang liberasyon ng mga mamamayang Filipino.