Ipinagmalaki ng Department of Education (DepEd) ang mataas na approval ratings na nakuha nito sa nakalipas na dalawang taon.
Base sa March 2018 Pulse Asia Ulat ng Bayan Survey, sinabi ng DepEd na nakakuha ito ng 84 percent approval rating matapos ang 83 percent rating noong March 2017.
Ang naturang mga bilang ay ang pinakamataas umanong performance ratings ng DepEd mula 2005 sa lahat ng lugar, kasarian at socio-economic classes.
Ayon kay Education Sec. Leonor Briones, ang mataas na ratings ay bunga lamang ng mga repormang ipinatupad ng kagawaran para sa mga mag-aaral, mga guro at stakeholders.
Anya, ibig sabihin lamang nito ay mas marami nang naaabot ang dekalidad na basic education sa bansa.
Iginiit ng kalihim na itinulak ng DepEd ang pagpapatupad ng K to 12 Basic Education program na layong bigyan ang mga Filipino learners ng kinakailangang kaalaman at kakayahan na kinakailangan sa modernong panahon.
Ayon naman kay DepEd Usec. Nepomuceno Malaluan, ang mataas na approval rating ay sumasalamin sa mas gumagandang kondisyon ng sistemang pangedukasyon sa buong Pilipinas.