Sen. De Lima gusto ng minorya na humawak sa petisyong kumukwestyon sa pag-atras ng Pilipinas sa ICC

Nais ng minorya sa Senado na ang nakakulong na si Senador Leila de Lima ang tumayong abogado nila ukol sa petisyon sa Korte Suprema na kumukuwestiyon sa pagtalikod ng Pilipinas sa International Criminal Court (ICC).

Sinabi ni Senate Minority Leader Frank Drilon na ipinaalam na nila kay De Lima na ito ang sasabak sa oral arguments ukol sa kanilang petisyon.

Ayon sa senador, ang isyu ay may kinalaman sa mga karapatang pantao at si De Lima aniya ay naging chairperson ng Commission on Human Rights (CHR).

Noong nakaraang buwan, nagsumite ang senate minority ng 17 pahinang petition for certiorari sa Korte Suprema para maideklara na walang bisa ang pag-atras ng bansa sa Rome Statute at sa ICC dahil hindi ito naaprubahan sa Senado.

Paliwanag ni Drilon, pumasok ang Pilipinas sa isang tratado na may pag sangayon ang Senado kaya dapat ganito rin kapag tumalikod sa isang tratado.

Banggit pa nito, kailangan dumalo si De Lima sa oral arguments kung tatanggapin ng senadora ang kanilang kahilingan.

Read more...