Tropical Depression Ester, nakapasok na ng PAR

Pumasok na sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ang Tropical Depression malapit sa Batanes na pinangalanang Ester.

Batay sa 11pm weather bulletin ng PAGASA, namataan ang bagyo sa layong 330 kilometers Hilagang-Kanluran ng Basco, Batanes.

Nananatili ang lakas ng bagyo na may hanging aabot sa 55 kilometers per hour malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 65 kilometers per hour.

Kumikilos ang bagyo sa bilis na 14 kilometers per hour sa direskyong Silangan Hilagang-Silangan at patungong Southern Taiwan.

Gabi ng Biyernes ay posibleng nasa labas na ng PAR ang bagyo.

Kasalukuyang nakataas ang Signal Number 1 sa Batanes.

Inaasahang palalakasin ng bagyo ang southwest monsoon o hanging Habagat na magdadala ng mga pag-ulan sa Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, Bataan at Zambales.

Makararanas rin naman ng pabugso-bugsong pag-ulan sa Metro Manila, Tarlac, Pampanga, Bulacan, Cavite at Batangas.

Mapanganib sa paglalayag para sa maliliit na sasakyang pandagat ang seaboards ng Northern Luzon at western seaboards ng Central Luzon.

Read more...