Inatasan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Philippine National Police (PNP) na huwag payagang ang grupong Kadamay na okupahan ang mga pabahay na nakalaan sa mga pulis at sundalo sa Barangay San Isidro, Rodriguez, Rizal.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, pinagpapaliwanag na rin ng pangulo ang National Housing Authority (NHA) kung bakit nakatiwangwang ang mga pabahay.
Inatasan din ang NHA na magsumite ng imbentaryo sa lahat ng housing units sa bansa para malaman kung saan-saan at alin-alin sa mga ito ang hindi na naookupahan o tinitirahan.
Ayon kay Roque, nagparaya na noon ang gobyerno nang lusubin at okupahin ng Kadamay ang pabahay sa Pandi, Bulacan.
Malinaw aniya ang direktiba ng pangulo na iyon na ang una’t huling pagkakataon na pinayagan ang Kadamay na mang-agaw ng pabahay.
Matatandaang sa mga naunang talumpati ng pangulo, sinabi nito na uutusan niya ang mga militar at pulis na gamitan ng bazooka ang Kadamay sakaling umulit pa sa pang-aagaw sa mga pabahay.