Ipinahayag ni Kadamay National Chairman Gloria Arellano na napilitan silang magsagawa ng protestang “Bantayang Bahay” dahil hindi umano binigyang prayoridad ang mga benepisyaryo sa kanilang grupo sa pag-award ng units.
Sa halip aniya, ibinigay ito sa ibang nag-apply sa pabahay.
Nilinaw rin ni Arellano na hindi tinangkang okupahan ng Kadamay ang mga pabahay.
Hinarang aniya nila ito para pigilan ang pagpasok ng mga pamilyang binigyan ng unit ng lokal na pamahalaan.
Ayon kay Arellano, iprinoseso na nila ang kanilang mga papeles sa National Housing Authority (NHA), at patuloy ang kanilang pakikipagdayalogo. Nananawagan silang pabilisin ng gobyerno ang proseso.
Ipinahayag naman ni NHA Resettlement and Development Services Manager Elsie Trinidad na pinabilis na nila ang proseso sa pag-award ng pabahay.
Aniya, nilagdaan na nila ang Joint Resolution 2 kung saan pinayagan ng NHA na mai-award ang mga bakanteng bahay ng Armed Forces of the Philippines, Philippine National Police, Bureau of Fire Protection, Bureau of Jail Management and Penology, at Bureau of Corrections.
Iginiit ni Arellano na hindi simple ang pag-aaward ng units ng pabahay para sa AFP at PNP sa mga sibilyan dahil “restricted” ang pondo na ginamit dito.
Ayon kay Arellano, binabalangkas na nila ang implementing rules and regulations ng Joint Resolution 2, pero hindi lamang eksklusibo sa myembro ng Kadamay ito.