Milyun-milyong pisong halaga ng pekeng sigarilyo at branded bags winasak ng BOC

Kuha ni Mark Makalalad

Sinira ng Bureau of Customs ang P22 million na halaga ng mga pekeng sigarilyo at iba’t ibang kontrabando na kanilang nasabat sa Manila International Container Port sa Baseco Compound.

Mismong si Customs Commissioner Isidro Lapeña ang nanguna sa pagwasak ng 800 pakete ng pekeng sigarilyo na may tatak na Mighty, Philip Morris at Magic.

Para hindi naman mapakinabangan, idinaan din sa shredding machine ni Lapeña ang ilan pa nilang nasabat na kagamitan kabilang na ang pekeng Louis Vuitton, rubber shoes, clothing apparels, tsinelas, make up tools at iba pang accessories.

Ayon kay Lapeña, matapos dumaan sa due process, ang mga naturang shipment ay lumabas na pagmamay ari na ng gobyerno matapos itong abandunahin ng consignee nito na Zafari.

Nakasaad kasi sa section 1129 ng Customs Modernzation and Tariff Act na maituturing ng abandonado ang mga kargamento kung ang may ari nito ay walang ‘goods declaration’ at hindi nagbayad ng kaukulang tax.

Nabatid na Agosto pa noong nakaraang taon dumating sa bansa ang naturang mga produkto na walang import permit mula sa Intellectual Property Office at Food and Drugs Administration.

Samantala, alinsunod naman sa mandato ng Department of Finance, tiniyak ni Lapeña na magiging regular basis na ang kanilang pasira ng mga pekeng sigarilyo at iba pang smuggled goods.

Matatandaan na Nitong June 1 lamang, nasamsam ng BOC ang P500 milyong halaga ng pekeng sigarilyo at tax stamps ng BIR sa isinagawang raid sa magkakahiwalay na warehouse sa Meycauayan City, Bulacan.

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Read more...