Kinondena ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang patuloy na pag-iral ng patayan sa bansa at sinabing peke ang kalayaan kapag pinaglalaruan ang katarungan.
Binatikos ng mataas na opisyal ng Simbahang Katolika sa Pilipinas ang sunud-sunod na pagpatay kabilang na ang pamamaslang sa mga pari kung saan pinakahuli ang kaso ni Fr. Richmond Nilo ng Diocese of Cabanatuan.
Wala na anyang pinipili sa pagpatay mapa-sanggol, kabataan, magulang, lola, pulis sundalo at pari.
Iginiit ng cardinal na ang pagpatay ay taliwas sa kalooban ng Diyos.
“Huwad ang kalayaan kapag pinaglalaruan ang katarungan. Inuulit po natin: taliwas sa kalooban ng Diyos ang pagyurak sa buhay,” ani Tagle.
Ipinahayag din ni Tagle ang kawalan ng katarungan para sa mga Filipino na alipin ng kahirapan, pagkagutom, pang-aabuso, takot at kaguluhan.
Nanawagan si Tagle sa mga mananampalatayang Katoliko na ipagpatuloy ang pagdarasal sa kawalan ng katarungan na nararanasan sa bansa.
Nagbabala rin ang arsobispo sa mga mamamayan na huwag magpakain sa galit dahil sa mga nararanasang pagmamalabis.