“Welcome development” para ng grupong Lawyers for Commuters’ Safety and Protection (LCSP) ang bagong direktiba ng Department of Transportation (DOTr) na nagbibigay ng malaking kapangyarihan sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na i-regulate ang operasyon ng transportation network companies (TNCs) at ang mga units ng TNVS na nag-ooperate sa ilalim nito.
Ayon kay LCSP Founding President Atty. Ariel Inton, suportado nila ang anumang regulasyon na nais pairalin ng ahensya basta ito ay para sa kapakanan ng commuters at magkakaroon ng patas na pangangasiwa sa lahat ng mga pampublikong sasakyan.
Ipinunto pa ni Inton na noong nasa regulatory agency pa ito bilang board member ay makailang ulit niyang pinuna ang pagkukulang ng dating DOTC department order na nagbigay regulasyon sa TNCs at TNVS.
Ngayon aniyang may pangil na ang LTFRB ay babantayan ng kanilang grupo kung anong klaseng mga polisiya ang ilalabas at ipatutupad ng ahensya.
Binigyang diin pa ng commuter’s group na hindi lamang panay regulasyon ang dapat pairalin kundi kailangang balansehin ang economic at social issues dahil labis na tinangkilik ng mga Pilipino ang multi-bilyong pisong ride-hailing industry.
Ang bagong DO na pirmado na ni Transportation Secretary Arthur Tugade ay itinatama lamang ang inilabas na Department Order No. 2015-11 noong nakalipas na administrasyon kung saan ibinabalik na ngayon sa LTFRB ang ‘regulatory authority’ at hindi sa kamay ng mga pribadong kumpanya o indibidwal.
Sa layuning ito, inaatasan ng DOTr ang LTFRB na i-regulate at i-monitor ang compliance ng TNCs at TNVS base na rin sa mga umiiral na polisiya, batas at regulasyon.