Hindi na ipaparada sa Camp Crame ang mga suspek na naaresto ng Philippine National Police.
Ito ang inihayag ni PNP Chief Oscar Albayalde kasabay nang pagtitiyak na pinapangalagaan ng kanilang organisasyon ang mga karapatang pantao ng kanilang mga naaresto.
Kanina, nakatakda sanang iharap ni Albayalde ang mga pulis at ilang indibidwal na sangkot sa samu’t saring kaso pero minabuti nilang huwag na lamamg itong iharap sa media.
Dagdag pa ni Albayalde, bahagi ng ‘due process’ ang kanyang polisiya na muling ipinatupad dahil dati na naman ng may memorandum ukol dito.
Samantala, ipinaliwanag naman ni PNP Spokesman Chief Supt. Benigno Durana na ang ginawa ni Albayalde ay bilang pagbalanse sa konstitusyon kung saan nabibigyan ng impormasyon ang publiko sa mga bagay na may kaugnayan sa national interest habang ang mga karapatan naman ng mga suspek ay napoprotektahan.
Matatandaan na 2008 noon nang ipag-utos ng Commission on Human Rights sa ilalim ng pamumuno ng dating chariman nito na si Sen. Leila De Lima ang pagbabawal sa pagprisenta ng mga suspek na naaresto ng PNP sa media lalo na’t hindi pa ito sumasailalim sa paglilitis at napatunayang guilty.
Habang naibalik naman ang tradisyon ng pagpaparada ng mga suspek na naaresto ng PNP noong liderato ni Retired General Ronald Dela Rosa.