720,000 “endo“ sa gobyerno, may pag-asa ba? sa “Wag Kang Pikon!” with Jake Maderazo

Inquirer file photo

Puspusan ngayon ang pagpipilit ng gobyerno na gawing regular ang mga “endo” sa pribadong kumpanya at inaasahan nilang aabot ito ng 300,000 pagsapit nitong Disyembre. Mabuti naman, pero paano iyong mga endo sa mismong gobyerno tulad ng “job order”, “pakyaw”, “emergency workers” “project based”, “fixed term” “casual”,at  “contractual” ? Mga taong gobyerno gumagawa ng pisikal o mabibigat na trabaho tulad ng paglilinis sa upisina, pamamahala sa supplies at records, operator sa elevator, building maintenance o kaya’y pagiging utusan ng mga boss at iba pang opisyal pati sa personal.  Ang iba naman ay encoders, courier, messenger at office assistants na walang karapatang mag-reklamo dahil anytime pwede silang tanggalin sa pwesto. Napakaraming mga empleyado na walang “security of tenure”. Magwawakas na rin ba ngayon ang pagiging “endo” nila sa gobyerno?

Karaniwan ay sumusweldo ng mababa sa “minimum wage” at halos alipin kadalasan ng kanilang mga boss na pulitiko o mga supervisors. Mga 300 hanggang 400 pesos sa bawat araw na mas mababa sa P512 minimum wage sa pribadong sector. Kundi man kinakatkong o binabawasan sa kanilang sweldo, kadalasan ay kasama pa sila sa mga ghost payrolls ng mga tiwaling alkalde o ahensya. Totoong karamihan sa kanila ay mga “political appointees” o koneksyon at walang “civil service eligibility” at hindi talaga mabibigyan ng Kapag napalitan ang alkalde o kaya’y pinuno ng ahensya, sila ang unang unang sinisibak, at di narerenew ang kontrata. May mga kaso rin ng “sexual harassment” sa ganitong “endo” sa gobyerno lalo’t wala ilang koneksyon at karamihan ay “kapit sa patalim”. Pero, hindi ba sila tao? Paanong matatapos ng gobyerno ang isyu ng “endo”sa lipunan kung gobyerno rin mismo ang lumalabag?

Dapat nga ay maraming masibak at makulong na mga mayor o hepe ng mga ahensya ng gobyerno sa pagbalewala sa benepisyo ng mga j.o, casual, pakyaw, o mga contractuals ,  kahit napakalinaw ng regulasyon ng Civil Service Commission  sa kanilang sweldo at benepisyo. Pero, sino ang magrereklamo? Ni hindi nga sila “unionized” dahil karamihan ay puro kapos sa “eligibility”. Turu-turo lang , tanggal ka na.  Pero, magtataka kayo dahil ang iba rito’y umaabot ng 20 hanggang 30 years sa serbisyo at lumalaban kahit walang “retirement”. Nakakaawa pero Sa totoo lang dapat merong “compassion” o makatao ang kanilang mga “boss”. Pero ang kaso, iba ang nangyayari.

Malaking pondo ang pinag-uusapan dito. Sa panahon ni Pnoy nong 2014, merong P9.6B ang inilaan ng National government para sa mga 120,000 contractual workers” nito samantalang P11.6B naman ang ginastos sa “outsourced labor” tulad ng janitorial, environmental, sanitary at security.  Mas malaki rin ang ginastos ng mga local government sa 600,000 contractual workers nila na P13.83B noong 2014. At ang malungkot, taun-taon hanggang ngayong Duterte administration ay walang nagbabago. Wala pa ring batas kung paano ang gagawin sa kanilang “contractuals” ng national at local government.

Bakit hindi na lang sila “i-regular” kahit hindi “civil service eligible”, lalo’t meron namang budget? Ito po’y problema na tanging mga Senador o congressmen at si Pres. Duterte ang makakatugon. Ang mahirap lamang puro sila bulag pipi at bingi sa pinabayaang “endo” sa loob mismo ng gobyerno!

Read more...