Walang naging kautusan si Pangulong Rodrigo Duterte ng nagpapatigil sa Armed Forces of the Philippines sa pagpapatrolya sa pinag-aagawang West Philippine Sea.
Ipinahayag ito ng AFP kasunod ng pagsiwalat Magdalo Representative Gary Alejano na inatasan umano ni Duterte ang AFP na huwag nang magsayang ng oras sa pagbabantay sa lugar.
Sinabi ni AFP spokesperson Col. Edgard Arevalo na hindi niya alam kung saan napulot ni Alejano ang impormasyon
Aniya, posibleng maling balita ang nasagap ng mambabatas o isa na namang malisyosong pambibintang sa Pangulo.
Ipinahayag ni Arevalo na sa katunayan, patuloy ang kanilang pagpapatrolya sa pinag-aagawang teritoryo.
Tiniyak naman ng AFP na patuloy nitong gagampanan ang mandato nito sa publiko.
Nauna dito ay sinabi ni Alejano na isang opisyal ng militar ang kanyang source sa ginawa niyang pagbubunyag pero tumanggi naman siyang pangalanan ito.