Dalawa sugatan sa karambola ng tatlong sasakyan sa SLEX

CONTRIBUTED PHOTO | JUNMAR CARGULLO

Sugatan ang dalawang katao makaraang maipit ang isang truck sa sasakyan sa pagitan ng bus at trailer truck sa aksidenteng naganap sa bahagi ng Alabang Exit sa South Luzon Expressway northbound.

Naganap ang aksidente pasado alas 3:00 ng hapon habang kasagsagan ng pag-ulan.

Ilang minuto pa ang itinagal bago tuluyang naialis ng mga tauhan ng Muntinlupa Rescue ang driver ng truck mula sa pagkakaipit.

CONTRIBUTED PHOTO | JUNMAR CARGULLO

Alas 3:42 na ng hapon nang maialis sa pagkakaipit ang driver na agad isinugod sa ospital.

Nagtamo ito ng bali sa kaniyang magkabilang binti, habang ang kasama niyang pahinante ay nasugatan din sa paa.

Wasak na wasak ang bungad ng truck habang ang likuran nito ay kitang-kitang pasok din sa bungad ng bus na nasa kaniyang likuran.

Ayon sa SLEX traffic, umabot sa San Pedro, Laguna ang tail end ng traffic bunsod ng nasabing insidente.

Ang Highway Patrol Group naman ng PNP ang siyang magsasagawa ng imbestigasyon para matukoy kung ano ang pinagmulan ng aksidente.

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Read more...