15 sako ng bigas na sapilitang kinuha ng NPA sa mga magsasaka natuklasang nakabaon sa Bukidnon

Nadiskubre ng mga tauhan ng Special Forces Battalion ng 403 Infantry Brigade ng Philippine Army ang nakabaon na labinglimang sako ng bigas sa Sitio Mahusay, Brgy. Dominorog, Talakag, Bukidnon noong Miyerkules.

Ayon kay Captain Norman Tagros, tagapagsalita ng 403 Infantry Brigade, nakasilid sa 45 plastic containers ang sako-sakong mga bigas na kinikil umano ng New Peoples Army sa mga mararalitang magsasaka sa lugar.

Paliwanag pa niya, base sa mga natatanggap nilang reklamo, pinipilit ng NPA ang mga magsasaka na magdala ng bigas at supplies sa bundok, na ipinababaon sa kanila sa lupa sa mga plastic containers.

Bukod dito ay inireklamo din ng mga magsasaka ang pang-ha-harass sa kanila ng NPA na lumaban sa pamahalaan bilang mga miyembro ng “Militia ng Bayan”.

Kinondena naman ni 403rd Infantry Brigade Commander Brigadier Gen. Eric C Vinoya, ang pagnanakaw ng pagkain ng NPA at sinabing hindi ito katanggap tanggap.

Labis na raw ang kanilang pang aabuso lalo’t mula sa mga halos wala na ngang makain na magsasaka ang mga bigas.

Kasunod nito, hinimok ni Brig Gen. Vinoya ang mga komunidad sa lugar na patuloy na makipagtulungan sa militar para matigil na ang pang-aapi ng NPA sa mga walang kalaban-laban na sibilyan.

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Read more...