“Ang Panahon ng Halimaw” wagi sa Bildrausch Film Festival

Wagi sa Bildrausch Film Festival sa Basel, Switzerland ang pelikulang “Ang Panahon ng Halimaw” na idinirehe ni Lav Diaz.

Nauwi ng naturang pelikula ang Bildrausch Ring of Cinema Art award, kasama ng pelikulang “Zama” ni Argentine director Lucrecia Martel.

Ang Bildrausch Ring of Cinema Art award ang maituturing na pinakamataas na honor para sa naturang film festival.

Ayon sa website ng Bildrausch Film Festival, ang dalawang nagwaging pelikula ay kapwa nagawang ipakita ang kagandahan at mga posibilidad sa larangan ng paggawa ng pelikula, maging ang kagandahan ng buhay.

Ayon pa sa film fest, malaking kontribusyon ang naibigay ng pelikula ni Diaz para sa usapin tungkol sa kasaysayan at kasalukuyan ng Pilipinas.

Samantala, sa panayam ng Inquirer kay Diaz ay sinabi nito na inaalay niya ang natanggap na parangal para sa bayan at para sa larangan ng paggawa ng pelikula sa Pilipinas.

Ang nakuhang pagkilala ng “Ang Panahon ng Halimaw” ay ikalawa nang international award na nakuha nito.

Marso ngayong taon nang ibigay ang top award sa pelikula ng Festival Internacional de Cine Cartagena de Indias sa Colombia.

Read more...