Trillanes minaliit ang kasong isinampa sa kanya ng isang labor official

Video screengrab

Sumulat na si Senator Sonny Trillanes IV kay Senate President Tito Sotto para humingi ng kopya ng CCTV video footage sa pagkikita nila Labor Undersecretary Jing Paras sa Senado noong nakaraang linggo.

Ang isang pahinang sulat na may petsa ngayon araw ay idinaan pa ni Trillanes kay Atty. Myra Marie Villarica, ang Senate secretary.

Partikular na hinihingi ni Trillanes ang kopya ng kuha ng plenary session sa Session Hall noong hapon ng Mayo 29.

Binanggit ni Trillanes sa sulat na gagamitin niya ang kopya ng CCTV video footage sa pagsagot niya sa reklamong grave threat ni Paras laban sa kanya.

Una nang pinabulaanan ng senador na pinagbantaan niya si Paras nang magkita sila sa Session Hall bagaman sinabi nito na hindi niya tinanggap ang pakikipagkamay sa kanya ng dating mambabatas.

Sa isang panayam ay sinabi rin ni Trillanes na mahirap paniwalaan ang kwento ni Paras lalo’t pinagbibintangan ito na nasa likod ng pagnanakaw sa cellphone ng isa pang mambabatas na si Akbayan Rep. Tom Villarin.

Read more...