Hinamon ng Makabayan bloc sa Kamara ang mga economic managers ng pamahalaan na buhayin ang kanilang mga pamilya sa halagang P10,000 na budget kada buwan.
Ayon kay Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate, dapat munang subukan ng mga economic managers na mamuhay sa loob ng anim na buwan na may P10,000 na budget kada buwan bago ang mga ito magsalita na sapat ang nasabing halaga para buhayin ng marangal ang isang pamilya.
Masyado aniyang malayo sa katotohanan ang mga pag-aaral at figures na sinasabi ng NEDA sa buhay ng mga ordinaryong Pinoy.
Insulto naman sa mga manggagawa na kumikita ng P10,000 kada buwan para kina ACT Teachers Rep. France Castro at Antonio Tinio ang naging pahayag ng NEDA.
Sinabi ng mga kongresista na kahit anong palusot pa ang gawin ng pamahalaan ay hindi maloloko ang publiko sa anti-poverty na TRAIN Law at sa patuloy na pagbasura sa hinihinging dagdag na sahod.