Hirit na dismissal sa plunder case ni BI deputy commissioner Michael Robles ibinasura ng Sandiganbayan

Ibinasura ng Sandiganbayan ang apela ni dating Immigration deputy commissioner Michael Robles na i-dismiss ang kanyang kinakaharap na kasong plunder kaugnay ng P50 milyon bribery scandal sa Bureau of Immigration.

Sa motion for reconsideration ni Robles, iginiit niya na hindi krimen ang pagbibigay ng P50 milyon suhol ng retiradong pulis na si Wally Sombero na umano’y middleman ng ng negosyanteng si Jack Lam. Hindi raw kasi sapat ang dalawang oras para gumawa ng dalawang magkagkahiwalay na krimen.

Pinatutungkulan ni Robles ang paghahatid umano ng P20 milyon dakong 2:00 ng umaga at ng dagdag na P30 milyon dakong 5:45 ng umaga sa kanya at kay dating deputy commissioner Al Argosino.

Dagdag ni Robles, hindi rin nakuha sa masama ang pera dahil nakalaan talaga ito para sa pyansa ng 1,316 iligal na manggagawang Chinese ni Lam sa kanyang casino sa Clark, Pampanga.

Gayunman, sinabi ng Sandiganbayan Sixth Division na maituturing na serye ng mga krimen ang pagtanggap ng pera nina Argosino at Robles na sinamantala umano ang kanilang posisyon.

Read more...