Naglaan ang pamahalaan ng P18, 461, 884.69 cash at P158,164.76 na halaga ng mga food and non-food items para sa mga inaasahang maaapektuhan ng Bagyong Lando.
Sinabi ni Presidential Deputy spokesperson Usec. Abigail Valte na activated na rin ang “Oplan Listo” na binubuo ng pinagsanib na pwersa ng Armed Forces of the Philippines, Philippine National Police, Bureau of Fire Protection, Philippine Coast Guard at National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Idinagdag din ni Valte na naka-alerto na rin ang mga ospital sa ilalim ng Department of Health kung saan kabilang sa mga inihanda ay ang mga first aid kits.
Tiniyak naman ng Department of Energy at National Electrification Administration na nakahanda na rin ang kanilang mga tauhan na kaagad na umagapay kapag nagkaroon ng mga biglang power interruptions sa ilang mga lugar.
Ipinaliwanag rin ng opisyal na mananatiling nakabantay si Pangulong Noynoy Aquino sa mga kaganapan at regular din siyang nakatatanggap ng mga updates mula sa PAGASA at NDRRMC.