“Zero crime” incident sa mga eskwelahan pinatitiyak ni Albayalde

Nagbabala si Philippine National Police (PNP) Director General Oscar Abayalde sa mga police commanders sa buong bansa na gawin ang lahat para makamit ang ‘zero-crime incident’ sa pagbubukas ngayong araw ng pasukan.

Ayon kay Albayalde, nabuo na nila ang operational guidelines kung paano makakamit ang zero-crime incident at ang tanging gagawin na lamang ng mga police commanders ay obserbahang maigi ang mga dapat at hindi dapat gawin para sa pagpapanatili ng peace and order.

Sa kanyang itinakdang guidelines para sa Ligtas Balik-Eswekla 2018 pinakikilos ang lahat ng Regional Offices ng PNP at National Support Units para tiyakin ang seguridad sa buong bansa.

Layon anya ng guidelines na masiguro ang kahandaan ng PNP at pagkakaroon nito ng presensya upang makatugon sa pangangailangan ng Department of Education.

Nababahala umano si Albayalde sa sitwasyon sa labas ng mga paaralan kung saan kadalasang pakalat-kalat ang mga kriminal at target ang mga estudyante.

Ayon pa sa opisyal, prayoridad na tutugunan ng PNP ang mga insidente ng street crimes tulad ng pandurukot, snatching, swindling, hold-up, at maging ang street-level drug trafficking.

Read more...