Naghihiyaw ang mga dumalo sa pagtitipon sa Grand Hilton Hotel sa South Korea kung saan nakipagkita si Pangulong Rodrigo Duterte sa Filipino Community sa naturang bansa.
Ito ay bunsod ng paghalik sa labi ni Pangulong Duterte sa isang Filipina worker sa isang ‘light moment’ sa nasabing pagtitipon.
Nag-imbita ang pangulo sa dalawang babae na umakyat sa entablado para mabigyan ng kopya ng aklat na may pamagat na ‘Altar of Secrets’ o ang librong nagsasalaysay sa sinasabing pang-aabuso umano ng mga paring Filipino.
Ang unang babae ay nakipagbeso sa presidente habang ang isa naman ay sumang-ayon na mahalikan ng pangulo sa labi.
Bago pa man halikan, inalam ni Duterte kung may boyfriend ito at sumagot naman itong mayroon.
Tinanong pa ng pangulo ang babae kung ayos lamang ba na mabigyan siya ng isang ‘friendly kiss’ at sumang-ayon naman ito na tila ay masayang-masaya pang makadaupang palad si Duterte.
Ang halik sa labi ay nagdulot ng palakpakan at hiyawan mula sa crowd na sensyales na rin ng pagtatapos ng talumpati ng presidente.
Bago bumaba ng entablado ay binigyan ng pangulo ng isang ‘friendly hug’ ang babae.
Nasa 2,000 Filipino ang dumalo sa pagtitipon kung saan nagbigay ng talumpati ang pangulo tungkol sa ilang mga usapin gaya ng korapsyon, pagmimina, giyera kontra droga at umano’y mga pang-aabusong nagaganap sa SImbahang Katolika.