Nagpaabot ng pasasalamat si Pangulong Rodrigo Duterte sa gobyerno ng Kuwait.
Ito ay matapos aprubahan ng gobyerno ng Kuwait ang inilatag na kundisyon ng pangulo bago tuluyang bawiin ang deployment ban sa mga overseas Filipino workers (OFWs).
Sa talumpati ng pangulo sa meet and greet sa Filipino community sa South Korea, sinabi nito na inaprubahan ng gobyerno ng Kuwait ang kanyang mga hiling gaya ng pagbibigay ng pitong oras na pahinga kada araw sa mga OFW, isang araw na day off, hindi pagkumpiska ng passport at cellphone, at walang sexual harassment.
Aminado ang pangulo na hindi niya inaasahan na pagbibigyan ng Kuwait ang kanyang mga kahilingan.
Dahil sa bagong kasunduan ng Pilipinas at Kuwait, sinabi ng pangulo na maaaring magsilbi na itong template para sa mga OFW na magtatrabaho sa ibang bansa sa Middle East.
Matatandaang Pebrero ng taong kasalukuyan nang magpatupad ng total deployment ban ang pangulo matapos matagpuan ang bangkay ni Joana Demafelis na nakalagay sa freezer sa loob ng isang taon.