Kasunod ng pagsisimula ng klase bukas, inabisuhan ng PAGASA ang mga magulang at estudyante na maghanda sa posibleng pag-ulan sa ilang bahagi ng bansa.
Batay sa abiso ng naturang weather bureau, ito ay bunsod ng namataang dalawang low pressure area (LPA) sa bahagi ng Mindanao region.
Ayon kay PAGASA administrator Vicente Molano, makakaranas ng katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan ang Palawan at Mindoro, maging ang western sections ng Visayas at Mindanao.
Magkakaroon naman ng mahina hanggang sa katamtamang pag-ulan ang nalalabing bahagi ng Visayas at Mindanao.
Samantala, magpapatuloy naman ang mainit at maalinsangang panahon na may posibleng isolated rain showers at thunderstoms sa Metro Manila at nalalabing bahagi ng Luzon pagdating ng hapon o gabi.
Sinabi rin ng PAGASA na ang umiiral na dalawang LPA ay posibleng maging bagyo ngayong linggo.