Pansamantalang isinara ang northbound lane ng Araneta underpass sa Quezon Avenue, Quezon City dahil sa kumalat na langis mula sa isang naaksidenteng sasakyan, kaninang pasado alas-siyete ng umaga.
Partikular na naganap ang aksidente sa halos tapat ng Sto. Domingo Church.
Ang pulang kotse ay sumampa sa gitnang bahagi o center island ng kalsada, at nasira pa ang bakod o fence.
Wala namang natamong sugat ang driver at pasahero ng kotse, bagama’t wasak ang harapang bahagi ng sasakyan.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon, may inawasan daw ang kotse subalit namali kaya sumampa sa center island.
Rumesponde ang mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority o MMDA upang agad na malinis ang kumalat ang langis mula sa kotse.
Gumamit ang mga MMDA personnel, sa tulong ng Bureau of Fire Protection, ng mga kusot upang masipsip ang langis at sinabon din ang kasalda upang matanggal ang pagkadulas.
Dahil dito ay bumigat ang daloy ng trapiko.
Pasado alas-otso ng umaga nang buksan na sa mga motorista ang Araneta underpass northbound.