Tiniyak ng U.S na hindi magtatagal ang paghahari-harian ng China sa mga pinag-aagawang isla sa South China Sea.
Sa kanyang talumpati sa isang security forum sa Singapore, sinabi ni U.S Defence Sec. James Mattis mananatili sa Asia-Pacific ang mga barko ng U.S.
Sinabi pa ng opisyal na prayoridad nila ang pagtulong sa pagtiyak ng kaayusan sa Asia-Pacific region.
“China’s militarization of artificial features in the South China Sea includes the deployment of anti-ship missiles, surface-to-air missiles, electronic jammers and, more recently, the landing of bomber aircraft at woody island,” ayon sa U.S official.
Bukas din umano ang U.S na mamagitan sa pagsusulong ng kaayusan at kapayapaan sa pagitan ng mga bansang nag-aagawan sa mga isla sa South China Sea.
Umaasa anya ang U.S na magmumula ang inisyatibo ng pagpapanatili ng kaayusan sa rehiyon mismo sa China.
Pero sa ngayon ay nakatutok umano sila sa pagbabantay sa nasabing lugar lalo’t nagpapatuloy ang pagpapalakas ng China ng kanilang pwersa sa pamamagitan ng military deployment.