Nanindigan si Davao City Mayor Rodrigo Duterte na wala siyang balak tumakbo bilang substitute candidate sa pang-panguluhang halalan sa susunod na taon.
Sa isang panayam kay Duterte kahapon pagkatapos ng pagsasara ng giling of certificates of candidacy, iginiit niyang “Hindi ako pang-substitute. Pang original ako.”
Matatandaan kasing bahagyang nabuhayan ng diwa ang mga sumusuporta sa kandidatura ni Duterte bilang presidente nang maghain ng certificate of candidacy si Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) chairman Martin Diño na isa ring miyembro ng PDP-Laban, ang kinabibilangang partido ni Duterte.
Ito ay para sakaling mabago pa ang isip ni Duterte, maaari pa rin siyang pumalit kay Diño hanggang December 10, 2015.
Iginiit din ni Duterte na matagal na niyang sinabing hindi siya tatakbo at sinabing mayroon siyang isang salita, kahit pa mayroon nang mga naglalakihang personalidad at negosyante ang nangumbinse sa kaniyang ituloy na ang pagtakbo bilang presidente.
Ayon kay Duterte, ang mga nasabing negosyante ay sina sina Manny Pangilinan, Lucio Tan at Gabby Lopez na kumausap sa kanya bago pa man mag-umpisa ang paghahain ng certifcate of candidacy.
Nang tanungin naman si Duterte kung sino ang nais niyang suportahang presidentiable sa 2016 elections, mayroon na aniya siyang naiisip ngunit tumanggi itong sabihin kung sino.