Roxas, hindi ugaling magkalat ng tsismis ayon sa LP

Mar-RoxasIpinagtanggol ng tagapagsalita ng Liberal Party na si Akbayan Rep. Barry Gutierrez si LP standard bearer Mar Roxas sa mga alegasyon sa kaniya.

Inakusahan kasi ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte si Roxas na pasimuno ng pagpapakalat ng usap-usapang mayroon siyang throat cancer kaya ayaw siyang patakbuhin sa pagka-presidente ng kaniyang pamilya.

Ayon kay Gutierrez, wala sa pagkatao ni Roxas ang magpakalat ng kasinungalingan tungkol sa mga matatagal na nitong kaibigan, tulad na lamang ni Duterte.

Sa katunayan aniya, sensitibo ang ganitong usapin kay Roxas dahil ang kaniyang kapatid at ama ay parehong pumanaw dahil sa cancer.

Naipahayag kasi ni Duterte ang kaniyang pagkadismaya nang malaman niyang ang kaibigan niyang si Roxas ang nagpakalat ng usap-usapan tungkol sa kaniyang kalusugan.

Nagsimula kasi ang impormasyon na ito mula sa isang journalist na si Philip Lustre Jr. na unang nagpost sa kaniyang Facebook tungkol sa hindi mabuting kalagayan ng kalusugan ni Duterte ayon sa isang mapagkakatiwalaang source.

Ayon din aniya sa kaniyang source, ang throat cancer ni Duterte ang inaalala ng kaniyang pamilya na baka lumala sakaling tumakbo siya sa pagkapangulo.

Ani Gutierrez, nakakalungkot ang naging hindi pagkakaintindihan sa pagitan nina Duterte at Roxas, lalo pa’t mismong si Lustre na ang nagsabi na wala siyang kahit anong koneksyon kay Roxas.

Gayunman, nilinaw ni Duterte na hindi naman niya sinisiraan si Roxas ngunit sa tingin niya ay mahihirapan itong disiplinahin ang kaniyang mga tauhan.

Read more...