Nasa bansang China ngayon si Defense Secretary Voltaire Gazmin para dumalo sa isang pulong na may kinalaman sa depensa at seguridad sa Asia Pacific.
Nagpatawag ng pulong ang China kasama ang mga defense ministers ng Association of the South East Asian Nations (ASEAN) sa Beijing sa gitna ng nagaganap ng pagaagawan ng mga bansa sa mga teritoryo sa South China Sea.
Ayon sa inilabas na pahayag ng Department of Defense, makakausap ni Gazmin si Chinese defense minister Chang Wanquan sa nasabing pulong.
Paguusapan dito ang isyung pangseguridad at multilateral defense cooperation sa pagitan ng mga bansang kabilang sa ASEAN upang mas mapabuti ang kapayapaan sa Asia Pacific Region.
Kinumpirma ni Gazmin ang pagdalo niya sa kabila ng tumitinding tensyon sa pagitan ng China at ng Pilipinas dahil sa isinasagawang reclamation ng China sa West Philippine Sea.
Matatandaan namang kamakailan lamang ay may kumalat na balitang nagbabalak ang Amerika na magpalipad ng eroplano sa himpapawid ng reclaimed areas ng China upang patunayang may freedom of navigation pa rin sa nasabing lugar.