Idinepensa ni Philippine National Police (PNP) Dir. Gen Oscar Albayalde ang sunud-sunod na pagkasawi ng mga drug suspects sa lalawigan ng Bulacan dahil sa mga ikinasang police operations nitong mga nagdaang araw.
Sa isang pahayag, iginiit ni Albayalde na ang mga namatay sa lalawigan ay hindi lamang sa iisang lugar kundi sa buong lalawigan.
Anya, napakalaki ng Bulacan at higit milyon ang populasyon.
Mabahala lamang dapat umano ang publiko kung ang mga napatay ay nasa iisang baranggay ngunit anya, kalat-kalat ang mga ito.
Maaari anyang nagkataon lamang na nagkasabay-sabay ang operasyon ng iba’t ibang istasyon ng pulis sa lalawigan dahil ang direktiba naman umano sa kanya ni Pangulong Rodrigo Duterte ay pag-ibayuhin pa ang mga anti-illegal drug operations.
Ngayong linggo lamang ay pumalo na sa walo ang drug suspects na nasawi sa police operations sa buong lalawigan ayon sa Bulacan Provincial Police Office.