Ipinag-utos na ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Sec. Roy Cimatu ang imbestigasyon sa pagkakasunog ng building na inookupa ng Land Management Bureau (LMB) sa Binondo, Maynila.
Ito ay matapos sabihin ng mga awtoridad na posibleng ‘arson’ ang dahilan ng sunog matapos ikwento ng isang empleyado na may pagsabog itong narinig bago sumiklab ang apoy.
Bagaman hindi anya ito ang inaasahan nilang kaso, iginiit ni Cimatu na ang ‘arson’ ay isang seryosong krimen.
Anya pa, ang sunog sa LMB ay may malaking epekto sa mga Filipino na nagpapahalaga sa lupa.
Nasa halos P100 milyong piso ang halaga ng mga kagamitan at dokumentong natupok ng apoy na nagsimula sa ikapitong palapag ng building ng LMB at kumalat pa sa tatlong establisyimento kabilang ang National Archives.
Samantala, ayon pa sa DENR, nagbukas na ang LMB ng kanilang temporary assistance desk sa lobby ng DENR Central Office sa Quezon City para sa mga may land-related concerns.