Kasalukuyang nakakulong ngayon ang isang dating overseas Filipino worker matapos mahulihan ng droga sa Barangay Western Bicutan sa lungsod ng Taguig.
Nakilala ang suspek na si Mobina Baluno, 26 na taong gulang at residente sa lugar.
Ayon sa National Capital Region Police Office – Regional Drug Enforcement Unit (NCRPO-RDEU), nakatanggap sila ng mga ulat na talamak ang kalakaran ng iligal na droga sa lugar.
Sa tulong ng isang informant ay napag-alaman nila na si Baluno pala ang source ng droga, dahilan upang magkasa ang mga otoridad ng buy bust operation laban dito.
Ngunit ayon sa suspek, hindi siya tulak o gumagamit ng droga at napag-utusan lamang ng isang tao na nakilala lamang sa alyas na Moads. Sinabihan umano siya nito na mag-abang ng taxi at iabot ang paper bag.
50 gramo ng hinihinalang shabu ang narekober mula kay Baluno. Tinatayang nagkakahalaga ito ng P130,000.
Mahaharap si Baluno sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.