Blanko ang Malacañang sa pahayag ni dating Justice Secretary Vitaliano Aguirre na itatalaga siyang muli ni Pangulong Rodrigo Duterte sa gobyerno.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, sa ngayon, wala pa namang sinasabi ang pangulo para sa reappointment ni Aguirre.
Tanging ang pangulo lamang aniya ang nakaalam kung kukunin ulit ang serbisyo ni Aguirre.
Noong April 9 ng taong kasalukuyan ay nagbitiw sa puwesto si Aguirre matapos ulanin ng mga batikos dahil sa umanoy sunud-sunod na kapalpakan sa kagawaran.
Kabilang dito ang pagkakadismiss sa kasong ilegal na droga laban sa self-confessed drug lord na si Kerwin Espinosa, Peter Co at iba pa.
Kahapon lamang ay sinabi ni Aguirre na itatalaga raw siyang muli sa gobyerno ng pangulo. / Chona