Pormal nang naghain ng kaniyang certificate of candidacy sa pagka-senador si Saranggani Rep. Manny Pacquiao.
Bagaman aminadong niligawan siya ng ibang partido para mapasama sa kanilang senatorial slate, mas pinili ni Pacquiao na manatili sa partido ni Vice President Jejomar Binay na United Nationalist Alliance (UNA).
Hindi naman na idinetalye ng pambansang kamao kung bakit sa kabila ng hayagang alok sa kaniya ng partido liberal ay mas pinili niyang tumakbo sa ilalim ng partidong UNA.
Ilan lamang sa mga binanggit ni Pacquiao na kaniyang tututukan sakaling maupo sa senado ay ang paglaban sa pang-aabuso sa mga OFWs. Magsusulong umano siya ng makabuluhang framework para sa mga pinoy na nagtatrabaho abroad.
Sinabi rin ni Pacquiao na ipaglalaban niya ang pagkakaroon ng quality-free na edukasyon sa Pilipinas at ang makatarungan at makabuluhang kapayapaan sa Mindanao.
“Hayaan ninyong pagsilbihan ko kayo bilang inyong kamao sa paglaban sa mga suliranin, ako po ay lumalaban hindi para sa aking sarili kundi para sa inyo, Masang Pilipino,” ayon kay Pacquiao.
Si Pacquiao ay sinamahan ng asawang si Jinkee at dalawang anak na lalaki nang maghain ng COC sa Comelec.