Nagpahayag ng suporta si Manila Auxiliary Bishop Most Rev. Broderick Pabillo sa mga manggagawang nananawagan ng umento sa sahod.
Ayon sa obispo na siya ring pinuno ng Episcopal Commission on Laity ng Catholic Bishop’s Conference of the Philippines (CBCP), pahirap para sa mga manggagawa at ordinaryong mamamayan ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion o TRAIN law.
Itinuturo ni Bishop Pabillo ang TRAIN law na dahilan ng pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at pangangailangan.
Dahil dito, ipinanawagan ng obispo ang pagbasura rito at hinimok ang gobyerno na bumuo ng isang mas makatwirang Tax Law.
Matatandang ipinanawagan ng Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP) sa mga regional wage boards ang pagsasagawa ng pulong para ikonsidera ang pagtataas sa sahod ng mga manggagawa dahil sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin.