Matapos sertipikahang urgent ni Pangulong Rodrigo Duterte ay pasado na sa ikatlo at huling pagbasa sa Kamara ang House Bill No. 7449 o ang panukalang P1.16 bilyon na supplemental budget para sa mga naturukan ng kontrobersyal na Dengvaxia vaccine.
Nakakuha ng botong 231 yes – 0 no – 0 abstain ang panukala na layong bigyan ng karampatang health at medical assistance ang 900,000 batang nakatanggap ng bakuna.
Sa ilalim ng panukalang batas ay 81 porsyento ng P1.161 bilyon ay gagamitin para sagutin ang medical assistance program o health assistance fund ng mga nabakunahan.
Habang ang P148.3 milyon o 13 percent ay para sa public health management kabilang ang assessment at monitoring sa mga nabakunahan at kanilang mga gamot; at ang natitirang P67.6 milyon naman o 6 percent ay para sa human resource for health deployment kabilang ang follow up ng mga nabakunahan.
Ang naturang supplemental budget ay maaaring gamitin hanggang ito ay maubos.