Malakanyang: P750 na National Minimum Wage, malabong maipatupad

Sinupalpal ng Palasyo ng Malakanyang ang panawagan ng Makabayan Bloc sa Kamara na magpatupad ng 750 pesos na national minimum wage.

Ito ay dahil na rin sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.

Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, ‘legally impossible’ ang hirit ng Makabayan Bloc.

Paliwanag pa ni Roque, malabong maipatupad ang national minimum wage dahil sa umiiral na Republic Act 6727 na nilagdaan noong 1989 na bumuo ng Regional Wage Boards.

Sinabi pa ni Roque na kinakailangan na repasuhin muna ng mga mambabatas ang RA 6727 para makapagpatupad ng national minimum wage.

“Anyway, may batas po diyan, Regional Wage Boards po ang magde-determine. Hindi na po tayo pupuwedeng bumalik sa National minimum wage ng wala pong bagong batas galing sa Kongreso,” ayon kay Roque.

Gayunman, sinabi ni Roque na inatasan na ng Pangulong Rodrigo Duterte ang Regional Wage Boards na magpulong at pag-aralan kung kinakailangan nang itaas ang mga regional minimum wage.

Read more...