SSS umaasang maaamyendahan ang SSS Charter ngayong taon

Umaasa ang Social Security System (SSS) na maipapasa na ng Kongreso ang panukalang amyenda para sa SSS Charter ngayong taon.

Ayon kay SSS president at chief executive Emmanuel Dooc, sinabi mismo ni Senador Richard Gordon, na siyang sponsor ng Senate Bill No. 1753, na maipapasa na ang nasabing panukala bago ang pagtatapos ng sesyon ngayong paparating na linggo.

Sa pamamagitan ng isang text message sa Inquirer.net ay sinabi ni Dooc na nakatakda ang interpellation, debate, at amendment ng SSS Charter sa susunod na linggo.

Sa hiwalay na pahayag ay nagpasalamat si Dooc kay Gordon dahil sa kagustuhan nitong maamyendahan ang SSS Charter.

Sa ilalim ng amyenda para sa SSS Charter ay mapapalawig ang kapangyarihan ng Social Security Commission na siyang magsasaayos sa benefit system ng SSS. Sa pamamagitan rin nito ay mapapatawan ng penalty ang mga kumpanyang hindi sumusunod sa batas nang hindi na kailangan pa ng approval ng pangulo ng Pilipinas.

Maging ang mga overseas Filipino workers (OFWs) ay mabibigyan ng SSS benefits sa ilalim ng amyenda sa SSS Charter.

Inaasahan rin na sa pamamagitan ng amyenda sa SSS Charter ay makakapagbigay ang ahensya ng karagdagang P2,000 benefit para sa mga SSS pensioners. Ngunit kaakibat nito ang pagtataas ng 14% ng contribution rate ng mga SSS members mula sa kasalukuyang 11%.

Read more...