Aroganteng pulis sinibak sa pangungumpronta ng jeepney driver

Vanessa Mia Fabia Lusanta Photo

Ipinag-utos ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Camilo Cascolan ang pagsibak sa isang pulis na napaulat na nangompronta sa isang jeepney driver.

Viral sa Facebook ang post ng isang Vanessa Mia Favia kung saan ikinuwento nito ang insidente kung saan nagtulong-tulong umano ang mga pasahero at kinampihan ang driver ng jeep laban sa pulis.

Bumabiyahe umano si Police Officer 1 Bernard Cantre sakay ng isang motorsiklo kasama ang kanyang asawa bandang alas-dyis ng umaga ng Biyernes at kinumpronta ang jeepney driver sa isang stoplight sa Barangay Parang sa Marikina.

Bumaba umano sa motorsiklo si Cantre at sinigawan at pinagmumura ang driver na hindi na pinangalanan ng mga awtoridad.

Inakusahan ni Cantre ng counterflowing ang tsuper at ginigitgit umano sila.

Sinabi umano ni Cantre na isa siyang pulis at pilit na kinukuha ang lisensya ng driver at tinakot itong babarilin kapag hindi nito ibinigay ang kanyang lisensya.

Panay hingi umano ng pasenya ang gulat na gulat na driver na walang maibigay na lisensya dahil paliwanag nito ay nahuli na siya sa isa pang traffic violation kaya’t tanging traffic violation receipt (TVR) lamang ang kanyang naibigay.

Iginiit ni Favia na saksi silang lahat na mga pasahero na mahinahon ang takbo ng jeep dahil naghahanap pa ng pasahero ang kawawang tsuper.

Dahil sa panic ay iniulat agad ng mga pasahero ang insidente sa kalapit na barangay hall kung saan inimbitahan si Cantre para sa ilang katanungan.

Sa video na ipinost ni Favia, nagpakilala si Cantre bilang pulis at sinabing dapat siyang irespesto.

Bunsod ng insidente, sinibak ni Cascolan ang pulis dahil ayaw umano nito ng mayabang na mga tauhan sa NCRPO.

Ipinag-utos na rin ni Cascolan sa Eastern Police District (EPD) na imbestigahan ang kaso.

Sa kasalukuyan ay mayroon nang 28,810 shares, higit 13,000 reactions at higit 13,000 comments ang viral post kung saan ipinahayag ng karamihan sa mga netizens ang galit at pagkadismaya sa pulis.

Read more...