PALPAK NA “DALIAN TRAINS” NG MRT-3, ISOSOLI BA NG DOTR? sa “Wag Kang Pikon!” ni Jake Maderazo

Inquirer file photo

Opisyal nang idineklara ng mga Japanese at German engineers sa DOTR na sobrang dami ng depekto ng biniling 48 train coaches ng PNoy administration noong 2013 sa Dalian Locomotive and Rolling Stock Company ng China na nagkakahalaga ng P3.5B kung saan may “15% advance payment” ang gobyerno na P565M.

Sabi ng Japanese engineers sa kanilang report nitong Abril, dapat ibalik ang mga tren sa Dalian at magsimula sa “fabrication” lalot napakaraming seryosong “design flops”, tulad ng “overweight at “wrong sized”.

Halos pareho rin ang “findings” ng German company na TUV Rhineland na naunang kinuha ng DOTR nitong Pebrero. Ayon sa kanila, maraming problema sa “safety” at “performance” ng Dalian trains dahil na rin sa maling disensyo. Ngayon, ang parehong rekomendasyon ay nasa upisina ni DOTR Sec. Arthur Tugade na magpapasya kung susundin ang mga rekomendasyon ng audit groups at ibalik ang 48 depektibong Dalian trains sa China. On the record, hindi lang tayo ang magsosoli ng mga tren sa Dalian, ang Hongkong, Singapore at Pakistan ay nagsoli matapos pumalpak ang mga tren sa kanila.

Pero, dito sa atin naghahabol ng bayad ngayon ang Dalian at may pressure din ang mga Chinese officials kay Tugade na bayaran ng DOTR ang balanseng higit P3.3B  sa “P3.85B  fabrication project” na inaprubahan nina PNoy at noo’y DOTC Joseph Miguel Abaya na dineliber noong 2016 at di napapakinabangan.

Hindi ba kakasuhan ni Sec. Tugade sina Sec. Abaya, si Pnoy, DOTC usecs, na nasa likod ng palpak na transaksyong ito? Naalala niyo ba ang alegasyon ni dating MRT general manager Al Bitangcol noong 2015 na nagkaroon ng 5% kickback dito ang mga dating DOTC officers na P190M.

Ngayong napatunayan ng mga “independent audit groups” ang kapalpakan ng Dalian trains, hindi ba’t tama lang na may kasuhan dito? Hindi ba dapat ding huwag bayaran ang Dalian at ibalik sa kanila ang 48 depektibong tren? Nahihiya ba si Tugade sa China at hindi makapagdesisyon sa interes ng taumbayan gayong “common sense” lamang ito sa naagrabyadong Pilipinas?

Ang huling nabalitaan ko, ito raw DOTR at JICA ay nagkasundo noong May 15 sa “43-month rehabilitation and maintenance of MRT-3” kung saan ibabalik ito  sa “original design condition and capacity”, kung saan may  tatlumput isang buwan para ayusin ito at labindalawang buwan naman para “defect liability period”. Ang halaga ng DOTR-JICA project ay “P16.98B” o halos P17-B na ang gagastos ay pautang mula sa Japanese government.

Noong Oktubre 2017, may alok ang Metro Pacific group-LRMC na P20-B para sa MRT. Nobyembre din ng mag-alok ang MRTC-Sumitomo, orihinal na may-ari ng MRT3 hanggang taong 2025, sa pagggastos ng P7.5B para rin sa rehab at maintenance nito. P20-B, P7.5B at P17B utang ang naglalarong numero dito.

At dahil ditto, napakaraming katanungan kay Sec. Tugade ang naghihintay ng mga sagot. Bakit doble ang inaprubahang halos P17-B ng DOTR-JICA sa P7.5B ng MRTC-Sumitomo? Akala ko ba ay nagtitipid tayo? Bakit mas pinaboran ang mas malaking uutangin  kaysa sa mas mura pero mas subok at may karanasan nang MRTC-Sumitomo?  Mr Secretary Tugade, pakibura naman ang masasama naming hinala sa transaksyong ito sa MRT3 na milyun-milyong Pilipino ang nakikinabang araw-araw.

Read more...